Ibinahagi ni Heart Evangelista kung gaano kasakit ang pagputol ng ugnayan nito sa dati niyang glam team matapos ang ilang taong pagtatrabaho nang magkasama.
Sa isang event kamakailan, tinanong ang aktres at fashion icon tungkol sa naging closure niya sa kanyang team, kabilang na ang makeup artist na si Justin Soriano at hairstylist na si Jeck Aguilar—na ngayo’y nagtatrabaho na kay Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
“Yes, in the most painful way. Sorry pero nagpapakatotoo lang tayo,” ani Heart, na nagsabing mahirap mawalan ng koneksyon sa mga taong minsang naging malapit sa kanya.
Aniya, ipinakita niya sa kanila ang kanyang “deepest and darkest secrets.”
Bagama’t masakit ang naging wakas ng kanilang samahan, sinabi ni Heart na pinipili niyang alalahanin ang dating glam team batay sa kung sino sila noon—hindi kung paano nagtapos ang lahat.
“Wala na sila sa buhay ko. Meaning to say, in my books, they don’t exist,” aniya. “Trauma makes you forget things. Pero I am who I am today dahil sa lahat ng pinagdaanan ko.”
Nilinaw din ni Heart na wala siyang anumang sama ng loob kay Pia Wurtzbach, at nagpapasalamat siya sa kung anong meron siya ngayon. “It’s called professionalism. And I’m a professional. I work hard for what I have,” dagdag niya.