Nilinaw ng actress na si Heart Evangelista na binabawi niya ang nauna niyang biro na mas pipiliin niyang magkaroon ng pera kaysa mga kaibigan.
Sa isang clip na ibinahagi ni Boy Abunda mula sa kanyang programa, sinabi ni Heart na mahalaga sa kanya ang pamilya at tunay na mga kaibigan, na itinuturing na rin niyang pamilya.
Nauna nang naging usap-usapan ang pahayag ni Heart sa kanyang game show matapos siyang tanungin kung alin ang mas malungkot—ang walang kaibigan o walang pera.
Biro niya, “Wala naman akong kaibigan, basta may pera, okay na ako.”
Agad naman niyang nilinaw na biro lamang ito, lalo na’t mga kaibigan niya ang mga guest sa naturang episode na sina Iya Villania, Kris Bernal at Camille Prats.
Sa kanyang pag-uusap kay Boy, sinabi ni Heart na mas pipiliin niyang magkaroon ng iilang tunay na kaibigan kaysa maraming kakilala.
Aniya, iba ang tunay na kaibigan dahil itinuturing niya ang mga ito na parang pamilya.
“I’d rather have a handful of friends than an army of acquaintances,” pahayag ni Heart.
Giit pa ng aktres na pipiliin niya ang kanyang pamilya at tunay na mga kaibigan kaysa sa malaking halaga ng pera.
Pero pabirong dagdag ng aktres, kung parehong pera at kaibigan ang ibibigay sa kanya, tatanggapin naman niya daw ang dalawa.
Samantala, nakatakda ring muling magtambal sina Heart at Kapamilya actor-director John Prats para sa isang bagong proyekto.
















