-- Advertisements --

Naospital ang aktres at fashion icon na si Heart Evangelista matapos umanong makaranas ng matinding pagod bunsod ng sunod-sunod niyang trabaho at commitments, ayon sa ibinahaging update ng kaniyang personal assistant na si Reszty Roselle.

Sa serye ng Instagram Stories na ibinahagi nito noong Sabado, Hunyo 27, makikita si Heart na nakahiga sa hospital bed habang inaalagaan ng mga doktor at nurse. Ayon sa kaniya, bumigay ang katawan ng aktres dahil sa sunod-sunod nitong trabaho at iba’t ibang commitments.

“Sa sobrang hardworking ng batang ito, kailangan talaga umabot pa siya sa point na hindi na niya kaya before magpa-confine,” ani Res sa isa sa kaniyang mga post.

Ipinagtanggol din niya si Heart laban sa mga basher at binigyang-diin ang pagiging masipag ng aktres.

“Health is wealth. Ganda, sana naisip mo ‘yan. Rest din kapag may time. Tapos itong mga basher na ‘to kung husgahan ka grabe, hindi nila alam kung gaano ka kasipag para kumita lang ng pera,” saad niya.

Sa kabila ng naging kondisyon ni Heart, nagbigay naman si Res ng positibong update tungkol sa kalagayan nito.

“Road to full recovery and she’s awake na from sedation,” aniya.

Ibinahagi rin niyang nakakalakad na si Heart nang diretso, bagama’t nangangailangan pa rin ito ng monitoring habang nagpapatuloy ang paggaling.

Nagpasalamat din si Res sa Diyos at kay Mama Mary matapos bumuti ang kondisyon ng aktres.

“Thank you Lord! Thank you Mama Mary!” aniya.

Hindi ito ang unang pagkakataong napabalitang nakaranas si Heart ng matinding pagod dahil sa kaniyang abalang iskedyul.

Kilala ang aktres sa kaniyang mga international fashion engagements, luxury brand partnerships, endorsements, television projects, at iba pang negosyo na madalas magdala sa kaniya sa iba’t ibang panig ng mundo.

Noong mga nakaraang buwan, inamin din ni Heart na kinailangan niyang magpahinga dahil sa ilang isyung pangkalusugan na dulot ng matinding pagod at sunod-sunod na trabaho.