-- Advertisements --

Muling pinag-uusapan online sina Heart Evangelista at Raymond Gutierrez matapos mapansin ng mga netizen ang ilang cryptic posts ng huli at ang umano’y pag-unfollow nila sa isa’t isa sa Instagram.

Nagsimula ang espekulasyon nang mag-post si Raymond ng Instagram Story na may caption na “What a joy to have real friends! #CleanMoneyGirls.”

Ibinahagi niya ito matapos makatanggap ng batikos sina content creators Mimiyuuuh at Esnyr dahil sa kanilang biro tungkol sa pagiging “nepo baby” at pagkakaroon ng “clean money.”

May ilang netizens na nag-isip na maaaring patungkol kay Evangelista ang naturang biro.

Samantala, nag-post din si Raymond tungkol sa mga nararanasang pagbaha sa bansa.

Aniya, habang ang ilan ay nakatuon sa fashion at mga sale, marami namang Pilipino ang nakararanas ng epekto ng pagbaha.

Giit niya “deserve” nang mga Pilipino ang makatanggap ng maayos na serbisyo mula sa mga public servant.

Dito muling iniugnay ng ilang netizens ang patama kay Heart bagama’t walang tinutukoy na pangalan si Raymond.

Una nang sinabi ni Heart na may na experience siyang isang insidente na pinagtawanan siya dahil nakasuot siya ng damit na naka-sale.

“One of them said ‘Oh, I love your dress, it’s on sale right?’ Tas nagtatawanan sila. Alam mo ‘yung parang, first and foremost, anong problema na sale? Bakit ano ba damit mo?” ani Heart.

Lalong uminit ang espekulasyon noong Agosto 22 nang mapansin ng ilang netizens na hindi na umano nagfo-follow sa isa’t isa sina Heart at Raymond sa Instagram.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na napag-usapan ang kanilang pagkakaroon ng tampuhan.

Noong 2011, nagkaroon din ng hidwaan sa pagitan ng dalawa na nauugnay sa kanilang mga ina na sina Cecilia Ongpauco at Annabelle Rama, na naging co-manager noon ni Heart.

Sa ngayon, nananatiling espekulasyon lamang ang umano’y bagong away ng dalawa habang wala pa silang pahayag tungkol dito.