-- Advertisements --

Pinagtibay na sa plenaryo ng Senado ang Senate Concurrent Resolution No. 4 na naglalayong gawing mas matatag at malinaw ang proseso ng national budget sa pamamagitan ng pagsasabatas o pag-institutionalize ng mahigpit na pagpapatupad ng transparency at accountability measures.

Sa ilalim ng resolusyong ito, lahat ng dokumentong may kaugnayan sa budget — mula sa mga panukalang pondo ng iba’t ibang ahensya, resulta ng mga pagdinig, tala ng bicameral conference, hanggang sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill — ay dapat mailathala sa mga opisyal na website ng Senado at Kamara bago isumite sa Pangulo.

Nilalayon nitong tiyakin na bukas sa publiko ang mahahalagang impormasyon upang mapalakas ang pakikilahok ng mamamayan sa pagtalakay sa 2026 national budget.

Sa ganitong paraan, masisiguro umano na ang bawat piso ng kaban ng bayan ay nagagamit nang maayos at nakahanay sa pangunahing pangangailangan ng bansa.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian, ito ay simula ng tinawag niyang “golden age of transparency and accountability.” 

Giit niya, hindi siya papayag sa anumang karagdagang alokasyon na isisingit nang walang malinaw na batayan, at magiging masusing susuriin ng Senado ang mga kahilingan para sa confidential funds ng mga ahensya ng pamahalaan.