Muling nagbabala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang mga police commanders at chief of police sa buong bansa hinggil sa umiiral na one strike policy sa kanilang hanay.
Ito ang binigyang-diin ni PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Camilo Cascolan makaraang opisyal na nilang paganahin ang PASKUHAN OPERATIONAL PLAN para sa taong ito.
Ayon kay Cascolan, iiral ang “one strike policy” sa lahat ng police commander at chiefs of police sa sandaling may maitalang kaso ng indiscriminate firing sa pagsalubong sa bagong taon.
Target din ng PNP ang zero-indiscriminate firing incident at zero injuries sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Ayon kay Cascolan, ito ay mula sa 33 insidente ng indiscriminate firing noong nakaraang taon at 12 injuries dahil sa indiscriminate firing.
Ipapatupad din ng PNP ang one strike policy sa mga police commanders na hindi umaksyon sa loob ng 24 oras sa mga insidenteng ganito na kinasasangkutan ng kanilang mga tauhan.
Dagdag ni Cascolan, ang mga commanders na hindi umaksyon ay kakasuhan ng command responsibility kung may mga tauhan silang mapatunayang iligal na nagpaputok ng baril.
Nasa 33 insidente ng indiscriminate firing at 12 injuries ang naitala noong nakaraang taon.
Magugunitang sa mga nakaraang taon sineselyuhan ang mga baril ng mga pulis tuwing kapaskuhan para mapigilan ang indiscriminate firing.
Pero pinatigil din ito ni dating PNP chief at ngayon ay Senador Ronald Bato Dela Rosa para patunayan na responsable ang mga pulis sa paggamit ng kanilang mga armas.