Nilinaw ng Malacañang na hindi pa maaaring ipatupad ang napagkasunduan ng mga buong gabinete na “one seat apart policy” sa mga pampublikong sasakyan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan pa munang mailathala sa official gazette ang napagkasunduan ng mga miyembro ng gabinete na payagan na ang isang upuang pagitang distansya ng mga pasahero sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon kay Sec. Roque, saka pa lamang magiging epektibo ang nasabing pagluluwag sa public transport kung na-comply na ang publikasyon.
Maliban sa paglalathala sa official gazette, kailangan pa umanong bumalangkas ng kaukulang guidelines na nasa responsibilidad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pero hindi na umano nangangailangan pang maglabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) resolution dahil ang hakbang ay isang concensus na napagtibay na sa Cabinet meeting.