Tinanggap ng Commission on Elections (COMELEC) ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa diskwalipikasyon ng dating alkalde ng General Luna, Quezon na si Matt Erwin Florido, dahil sa kasong vote buying.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, patunay ang desisyon na nasa tamang direksyon ang kampanya ng komisyon laban sa pagbili ng boto, at nagbibigay ito ng mas matibay na kapangyarihan sa poll body at sa Committee on Kontra Bigay.
Matatandaan na noong Agosto 12, pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ang desisyon ng COMELEC na huwag payagan si Florido na tumakbo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Quezon sa May 2025 NLE, matapos mapatunayang sangkot ang kaniyang kampo sa pamimigay ng Php 1,000, libreng pagkain, t-shirt, at transportasyon sa isang pampublikong pagtitipon sa Buenavista, Quezon.
Giit ni Garcia, gagamitin nila ang desisyong ito upang palakasin ang pagpapatupad ng batas laban sa vote buying, lalo na sa BARMM Parliamentary Elections at Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.