Mas pinadali na ang pagbiyahe sa mga expressway sa Luzon matapos ilunsad ng pamahalaan ang “One RFID” system, isang makabagong solusyon para tugunan ang matagal nang reklamo ng mga motorista sa magkahiwalay na RFID systems sa bansa.
Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na iisa na lamang ang RFID sticker at account na magagamit sa lahat ng toll roads sa Luzon gaya ng NLEX, SLEX, TPLEX, SCTEX, Skyway, at iba pa.
Layunin nitong pabilisin ang daloy ng trapiko sa mga toll gate at bawasan ang abala sa mga motorista.
Sa kasalukuyang sistema, kailangan pa ng dalawang RFID cards Autosweep at EasyTrip na may magkahiwalay na account at load.
Madalas itong nagdudulot ng kalituhan at pagkaantala, lalo na kapag kulang ang load sa isa sa mga account.
Ayon kay Pangulong Marcos, puwede nang magparehistro online o walk-in, at inaasahang ilulunsad din ang fleet accounts sa susunod na taon.
Binigyang-diin ng Pangulo ang repormang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na gawing moderno, konektado, at episyente ang transport system ng bansa.