Inihayag ng Office of the Ombudsman na makatitiyak umano ang publiko na hindi maiimpluwensyahan ng pulitika ang kanilang paghawak sa mga reklamong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagtatanong kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, kanyang sinabi na ang batayan ng opisina ay sa ‘ebidensya’ lamang.
Ang tanod-bayan aniya’y hindi maaaring gumawa ng aksyon o manghusga ng isang inaakusahan ng walang pinanghahawakan matibay na ebidensya.
Ito rin daw ang basehan sa kamara partikular sa pagdinig ng ‘House Justice Committee’ sa ‘impeachment’ kontra sa ikalawang pangulo ng bansa.
Kanyang binigyang diin na bagama’t itinuturing bilang ‘political process’ ang isang ‘impeachment proceedings’, nakabase rin naman raw ito sa ebidensya.
Kung kaya’t bilang sagot sa katanungan kung mababahiran ba ng pulitika ang imbestigasyon sa Ombudsman, aniya’y ebidensya ang kanilang tinitingnan.
Habang ibinahagi naman ni Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na ang mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte ay nasa ‘fact-finding stage’ na.
Na-consolidate na rin aniya ng tanggapan ang mga ito sapagkat ang ilan ay may pagkakapareho o ‘intersections’ sa pagitan ng mga petisyon inihain sa tanod-bayan.
Subalit ayon pa kay Ombudsman Spokesperson Clavano, maingat ang bawat hakbang kanilang ginagawa upang maiwasan may malabag sa batas.
Dagdag ni Assistant Ombudsman Clavano na kanilang hindi isinasantabi ang pagkukunsidera sa kasalukuyang sitwasyon ng ‘impeachment’ kontra sa bise presidente.
Bagama’t tuloy-tuloy ang imbestigasyon sa tanod-bayan, aniya’y tinitingnan ng tanggapan kung anong mas maiging gawin sakaling umabot na sa senado ang ‘impeachment’.
Kung babalikan, nahaharap sa reklamong graft, plunder, korapsyon at iba pa ang ikalawang pangulo na inihain ng ilang civil society groups at indibidwal kabilang si former Sen. Antonio Trillanes IV.















