Inihayag ng bagong talagang Ombudsman na si Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kanyang gagawing bukas sa publiko ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ng mga opisyal ng pamahalaan.
Sa kanyang unang araw pagkakaupo bilang ika-pitong Ombudsman, inanunsyo nito na gagawa ng panibagong polisiya para magkaroon ng ‘access’ ang tao sa naturang dokumento.
Aniya’y sa susunod na linggo ay plano nitong agad na maglabas ng memorandum upang buuin ang mga panuntuan para sa paghiling makakuha ng kopya ng dokumento.
Ngunit kanyang sinabi na sa pagsasapubliko nito’y isinasaalang-alang pa rin ang implikasyon o epekto lalo na sa seguridad ng bansa upang hindi magamit o ma-weaponize.
Samantala ibinahagi naman ni Ombudsman Boying Remulla na balak nitong balikan ang isyu patungkol sa Pharmally scandal.
Kanyang ibinahagi na muling sisilipin at bibisitahin ang naturang kaso sa nakalipas na pinagdaanang pandemya sa bansa.
Ayon kay Ombudsman Remulla, bibigyang atensyon ang patungkol rito sapagkat tila’ nakalimutan at naibaon na umano sa limot ang isyu ng Pharmally.
Naniniwala aniya siya na hindi dapat itong malimutan at nararapat lamang na muli itong balikan upang mabigyan linaw at matukoy ang buong katotohanan.
Maaalala na sa naganap na pagdinig noon ng Senate Blue Ribbon Committee ay tinalakay ang patungkol sa isyu kaugnay sa bilyong pondo na ipinambili ng Department of Health para sa mga overpriced na medical supplies sa kasagsagan ng pandemya.
Dagdag pa rito, aminado si Ombudsman Remulla na hindi niya ganun ka-kabisado ang naturang isyu sapagkat di’ aniya ito lubusan natutukan.
Ngunit gayunpaman tiniyak niya na walang sisinuhin mapa-anong pisisyon ang matuklasan may pananagutan sa kontrobersiya.
Basehan aniya rito ay ebidensyang makapagsasabi o makapagpapatunay sa pagkakasangkot ng opisyal.