-- Advertisements --

Patuloy pa ring ikinukunsidera ng Office of the Ombudsman ang implementasyon ng ‘restitution’ para sa mga kaso patungkol sa flood control projects anomaly.

Ibinahagi mismo ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ang layon makipag-ugnayan sa hudikatura upang maipatupad ang pagsasaoli ng mga perang nakuha sa korapsyon.

Aniya’y imumungkahi niya ito sa kaukulang korte o hudikatura para nang sa gayon ay malaman kung ano ang posibleng maging epekto ito sa mga kaso.

Kabahagi rin nito ang kanyang paniniwala na mas mabilis umanong maipapatupad ang ‘restitution’ sakaling pumasok sa ‘plea bargaining’ ang sankot na indibidwal.

Samantala, aprub at hindi naman tutol si Ombudsman Boying Remulla sa mga pulitikong boluntaryong isinapubliko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN kasunod ng maitanong ng Bombo Radyo Philippines ang kanyang reaksyon hinggil rito.

Subalit kanya lamang iginiit na bagama’t may ilang opisyal ang gumawa nito, aniya’y hindi niya iaatas o ii-impose ito sa lahat.

Kanya-kanya raw itong desisyon sa layon maging transparent o gawing mas bukas sa pananagutan ang mga pampublikong opisyal.

Ayon pa kay Ombudsman Remulla, ang naturang dokumento ay gagamitin ng tanggapan bilang ‘tool’ para sa implementasyon ng ‘lifestyle check’.

Habang hinamon ni Ombudsman Remulla ang mga kongresista na pumili lamang ng isa kung sila’y maglilingkod o magnenegosyo.

‘Conflict of interest’ aniya pa rin kasing maituturing sa isang mambabatas na nangingialam sa kontrata o may kaugnay sa negosyo kahit pa ‘in good faith’ pa ang naturang opisyal.