Positibo ang Office of the Ombudsman na masusundan pa ang kanilang paghahain ng mga kaso sa Sandiganbayan kontra mga sangkot sa flood control projects anomaly.
Matapos ang paghahain ng una at ikalawang ‘major flood control cases’ sa Sandiganbayan, kumpyansa ang Ombudsman na sila’y makapagsasampa ng panibagong mga kaso.
Ito mismo ang sineguro ni Assistant Ombudsman Mico Clavano nang kanyang sabihin na maaring maihain na nila ang susunod na kaso ngayong linggo.
May mga flood control cases aniyang handa na ngunit aminadong kinakailangan pa munang matiyak ang kalidad nito upang tumayo bilang kaso.
Giit niya na hindi nila habol na magpakitang gilas lamang kundi layon ng tanod-bayan na tunay mapanagot ang mga sangkot na indibidwal sa korapsyon ng flood control.
Kanya pang binigyang diin na kinakailangan matibay ang isasampang kaso kalakip mga ebidensya at hindi puro basta may maihain lamang sa korte.
Dagdag pa ni Assistant Ombudsman Clavano, ang mga kasong kanilang tinutukan ay hindi pare-pareho sapagkat ang ilan ay magkakaiba partikular sa mga ebidensyang nakakalap mas matibay kumpara sa iba.
Kanyang sinabi na mas madaling matukoy ang pananagutan ng isang sangkot kung ang ebidensyang hawak ay tiyak nagpapakita sa mismong pagtanggap nito ng pera mula sa anomalya.
Kung kaya’t inihayag ni Ombudsman Spokesperson Mico Clavano na makatitiyak umano ang publiko na kanilang ginagawa ang lahat para lamang mapanagot ang mga sangkot sa korapsyon.
Ngunit aminado siyang hindi sila nakatitiyak kung kailan ang eksaktong petsa sa paghahain ng panibagong mga kaso sa korte may kaugnay sa flood control.
Mahalaga aniya raw kasing timbangin o tingnan ang tibay ng kaso na kanilang ihahain kontra sa mga sangkot na indibidwal.















