Pinag-aaralan ng Ombudsman ang pagbabasura sa criminal at administrative complaint laban kay Senador Joel Villanueva noong 2019.
Sa panayam, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kahapon lamang nila natuklasan ang nasabing dokumento sa kanilang mga record.
Dagdag pa, nakita naman daw nila ang ilang kaso ng mga indibidwal na na-dismiss, ngunit wala umano kay Villanueva.
Tila may kakulangan aniya sa transparency noon sa loob ng tanggapan, kaya’t hindi agad lumabas ang impormasyon hinggil sa kaso.
Dagdag pa ng opisyal, may mga lumang sistema sa Ombudsman kung saan hiwa-hiwalay ang mga yunit at kulang sa ugnayan — dahilan upang hindi madaling ma-access ang mga dokumento.
Tiniyak ni Remulla na muling binubusisi ng Ombudsman ang kaso upang masiguro kung may dapat pang aksyong isagawa.
Ipinagtataka rin ni Remulla kung bakit hindi batid ng publiko at karamihan ng mga senador ang pagbabasura sa kaso ni Villanueva.
Sa tanong kung may nalabag na patakaran ng Ombudsman, sinabi ni Remulla na kabilang ito sa kanilang sisilipin.
Una nang tinawag ni Senador Joel Villanueva na harassment ang panawagan ni Ombudsman Remulla na ipatupad ang 2016 dismissal order laban sa kanya ng tanggapan.
Ayon sa senador, inaasahan na nila ang ganitong klase ng pangha-harass, dagdag pa ang pagpapakalat ng napakaraming fake news laban sa kanya.
Nang matanong kung bakit siya humiling ng clearances, sinabi ni Villanueva na ito ay paghahanda rin ng kanilang paghahain ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Noong 2016, iniutos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagpapatalsik kay Villanueva mula sa serbisyo publiko dahil sa umano’y anomalya sa paggamit ng ₱10 milyong pondo mula sa kanyang pork barrel allocation noong siya ay kongresista pa.
















