Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kanyang di’ isasantabi na maikunsidera ang ‘articles of impeachment’ kontra kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ombudsman Remulla, kanyang gagamitin ito upang magsilbing gabay sa mga basehang nakapaloob ukol sa mga isyung kinasasangkutan ng ikalawang pangulo.
‘Good guide’ aniya ito sa gagawing pagsusuri o fact-finding ng Ombudsman para usisain ang mga alegasyon ibinabato sa bise presidente.
Base kasi sa articles of impeachment, kinakaharap ni Vice President Duterte ang mga paratang na betrayal of public trust, malversation of public funds, at iba pa.
Subalit, aminado naman si Ombudsman Boying Remulla na hindi saklaw ng kanyang kapangyarihan na mapatanggal ang isang opisyal gaya ni Vice President Duterte mula sa kanyang posisyon.
Paliwanag niya’y isang ‘impeachable official’ ito kung kaya’t impeachment process ang kinakailangang isagawa para mapatalsik sa opisina ang ikalawang pangulo.
Gayunpaman, ibinahagi ng naturang opisyal na kahit di’ saklaw sa mandato nito na mapatanggal ang ikalawang pangulo, maaari pa rin siyang maharap sa mga kaso.
Giit ni Ombudsman Remulla na pwedeng imbestigahan at litisin si Vice President Duterte sakaling matukoy ang mga kaso o reklamong posibleng kaharapin.
Dagdag pa rito’y binigyang linaw ni Ombudsman Remulla na hindi umano angkop ang gawaing pagsuspinde sa mga miyembro ng lehislatura.
Naniniwala aniya siya na limitado ang kapangyarihan ng posisyon at di’ kayang mag-utos ng suspension sa lahat ng pampublikong opisyal ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Ipinauubaya na lamang raw ni Ombudsman Remulla ito sa kanila ng naaayon sa kung anong nakasaad sa konstitusyon.