-- Advertisements --

Tiniyak ng kasalukuyang Ombudsman na si Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na kanyang pag-aaralan ang reklamong inihain ni former Sen. Antonio Trillanes IV sa tanggapan.

Ayon kay Ombudsman Remulla, susuriin o dadaan sa evaluation ang naturang reklamo kung saa’y isasagawa ang fact finding.

At kung kinakailangan ayon sa naturang opisyal posible din aniyang magsagawa ang panel of prosecutors ng Ombudsman ng preliminary investigation.

“Pag-aaralan namin, dadaan yan sa evaluation, fact finding, at preliminary investigation, kung, kung kakailanganin. Syempre evaluation ang critical eh,” ani Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Inihain ni dating Senador Trillanes ang mga reklamong paglabag sa Plunder Law sa ilalim ng Republic Act No. 7080, Anti-Graft and Corrupt Practices Act ng RA No. 3019 at Code of Conduct for Public Officials ng RA No. 6713.

Kanyang inirereklamo sina Sen. Bong Go at former President Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa pagkakasangkot sa paggawad ng nasa 7-bilyon piso halaga ng mga infrastructure projects sa kumpanyang pagmamay-ari umano ng tatay ng Senador.

Habang aminado si Ombudsman Remulla na hindi siya nagkaroon ng pagkakataon makita ang naturang reklamo noong siya’y kalihim pa ng Department of Justice.

Maaalalang inihain ni former Sen. Trillanes ang kaparehong ‘plunder case’ laban kina Go at Duterte noong nakaraang taon na siyang isinumite naman ng kagawaran sa Ombudsman.

“Anyway itong kasong ito ay pag-aaralan pa. Hindi na nga ako nagkaroon ng pagkakataon makita ang mga papel na ‘to noong panahon iyon… hindi namin nakita yon so ngayon pag-aaralan ko,” ani Omb. Boying Remulla.

Samantala, ibinahagi naman ni former Sen. Trillanes ang naging dahilan o nangyari sa kaparehong reklamo inahain sa Department of Justice.

Paliwanag niya’y isinampa niya ito sa kagawaran dahil tiwala at naniwala siyang gugulong noon ang case-buildup para sa naturang ‘plunder complaints’.

Hinaing niya ang kawalan ng aksyon nang ito’y maidala sa Ombudsman at pinaratangan pang di’ man lamang pinaglaanan ng oras upang magbukas ng imbestigasyon.

“Kaya anong ginawa rito? Ni’ hindi inimbestigahan. Not even a day or an hour was devouted in investigating it. Talagang binaon nila pero without prejudice yan,” ani former Sen. Antonio Trillanes IV.

Tumanggi naman itong kumpirmahin ni Ombudsman Remulla sapagkat ayaw niya umanong pangunahan ang patungkol sa isyu.

“Hindi ko alam, hindi ko alam kung anong nangyari. Ayokong mag-presume ng masama sa aking kapwa pero aalamin natin,” ani Omb. Remulla.