LAOAG CITY – Nagpaplano na rin ang Zamboanga City para sa isang makabuluhang homecoming o pag-uwi ng Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Ito’y kahit abutin pa ng dalawang buwan bago makauwi sa kanyang hometown ang tinaguriang golden girl.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Dr. Cecil Atilano, sports coordinator ng Zamboanga City at mentor ni Diaz, matapos daw mag-quarantine ay hindi naman nila puwedeng ipagdamot si Hidilyn lalo’t tiyak na marami ang posibleng makipagkita sa kanya partikular sa mga private sector na sumuporta sa kanyang Olympic journey.
At dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na napatugtog ang Philippine national anthem sa Olympics, gusto nilang ipakita at iparamdam ang nationalism at patriotism sa pag-uwi ni Diaz sa lungsod.
Aniya, lahat ng mga establishment at opisina ay magsasabit ng bandera ng Pilipinas hanggang sa makauwi si Hidilyn maliban pa sa mga tarpaulin.
Sinigurado pa ni Atilano na matutuloy na ang matagal na planong pagpapatayo ng monumento ni Diaz.
Samantala, inihayag ni Rev. Fr. Jeffrey Mirasol, parish priest ng Holy Trinity at Parish-spokesperson ng Archdiocese of Zamboanga na naghahanda ang simbahan para sa pagbabalik ni Hidilyn sa hometown nito.
Aniya, mag-aalay ng thanksgiving mass kay Hidilyn kasama ng kanyang pamilya at pangungunahan ito ng bishop ng Zamboanga.
Una rito, sinabi ni Fr. Mirasol na likas na mapagpakumbaba at relihoyoso ang pamilya ni Hidilyn.
Batid nito na ang magandang katangian ng weightlifting champion ang nagdala sa kanya sa rurok ng tagumpay.
Nabatid na posibleng hindi rin magtatagal si Diaz sa Zamboanga at babalik din ito sa Metro Manila.