-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nanindigan ang ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong na mananatili sa rehiyon sa kabila ng malawakang kaguluhan.

Ito matapos ang pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa isang panayam na maghanda na ang mga OFW sa posibleng repatriation.

Sa report ni Bombo International Correspondent Jun Paragas sa Bombo Radyo Legazpi, bayolente na ang mga protesta subalit hindi pa naman aniya malala ang sitwasyon ng mga OFW.

Mapapatunayan aniya ito ng mga report mula sa Konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong.

Nabatid na ilan sa mga OFW ang pinupwersa na ng mga employer na mag-leave without pay habang ang iba ay pumayag na sa cotermination.

Sa kabila nito, siniguro ng mga Pinoy na nakakahanap pa naman ng ibang mapapasukan.

Iniisp aniya ng karamihan na mas magiging mahirap ang sitwasyon kung uuwi sa Pilipinas na malaking problema naman ang kabuhayan sa araw-araw.

Una nang nabatid na apektado na ang lebel na turismo at ekonomiya sa Hong Kong dahil sa pro-democracy protests at panawagan na bumaba na sa posisyon si Chief Executive Carrie Lam.