KORONADAL CITY – Nakatakdang lumabas bukas ang resulta ng swab test sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Kuwait matapos dinapuan ng coronavirus.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Motmot Demerin Dioso, 30-anyos, nagtatrabaho sa Abdulla Al Mubarak at tubong Brgy. Cabudian, Banga, South Cotabato, patuloy ang kaniyang paggaling dahil sa patuloy na medikasyon at pahinga.

Tiniyak rin nito sa kaniyang pamilya sa bayan ng Banga na bumuti na ang kaniyang kondisyon.

Matatandaang marami ang dumamay sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang video mula nang nahawaan ito ng mga sintomas sa kaniyang amo at tinanggihan sa ospital dahil wala itong maipakitang civil ID.

Tiniyak naman ni Banga Mayor Albert Palencia ang nararapat na tulong sa pamilya ni Motmot.