Pastor joel apolinario Kapa
Kapa community Pastor Joel Apolinario

DAVAO CITY – Nilinaw ni Department of Interior and Local Government (DILG) Davao Director Alex Roldan na kailangan na nilang ipatupad ang pagpapasara sa lahat ng mga opisina ng Kapa-Community Ministry International Inc. o Kabus Padatuon (KAPA).

Tiniyak ng opisyal na wala silang interes sa KAPA bagkus ay gusto lamang nilang ipatupad ang kautusan na inilabas ng Securities and Exchange Commission (SEC) na cease and desist order (CDO).

Ayon kay Roldan, mismong ang DILG national umano ang nagpalabas sa nasabing kautusan.

Nilinaw ng opisyal na kung hindi ipatutupad ang nasabing kautusan posibleng masampahan ng kaso ang alkalde sa isang lugar kung saan may operasyon ang KAPA.

Ilan sa mga magpapatupad sa nasabing hakbang ay kinabibilangan ng mga miyembro ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at lahat ng local government units.

Ito ay batay sa latest advisory ng naturang ahensiya na may petsang Mayo 2, 2019 na pirmado mismo ni DILG Sec. Eduardo Año.

Matatandaang noong Pebrero 14 nitong taon nang mag-isyu ang SEC en banc ng CDO laban sa KAPA upang utusan ito pati ang mga nasa likod ng nasabing investment scam na pinangungunahan ng isang Pastor Joel Apolinario, ang founder ng KAPA upang itigil na ang operasyon lalong-lalo na ang pagtanggap ng investment, kabilang na ang pag-promote sa kanilang gawain.