-- Advertisements --

Pinabulaanan ngayon ni Office of the Press Secretary officer-in-charge Cheloy Garafil ang mga kumakalat na balitang nasa Japan daw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay sa gitna ng pananalasa ng bagyong Paeng sa malaking bahagi ng bansa.

“Wala po sya sa Japan,” ani Garafil.

Kung maalala, kahapon ay nag-preside pa si Pangulong Marcos sa full council meeting ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para pag-usapan ang pagtugon sa kalamidad at ang isasagawang relief operations sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Paeng.

Sa naturang meeting, inirekomenda ni NDRRMC Executive Director at Office of Civil Defense Administrator Raymundo Ferrer sa pangulo na magdeklara na ng national state of calamity sa loob ng isang taon o hindi naman kaya ay mas maaga itong tapusin dahil sa mga kalamidad ng tumama sa bansa.

Magiging daan daw ang state of calamity para makapagbigay ng karagdagang pondo ang gobyerno para sa disaster relief at magpatupad ng price freeze sa mga basic commodities.

Pero tugon naman ni Pangulong Marcos na hihintayin at pag-aaralan nito ang resolusyon.