-- Advertisements --

Iginiit ng Pangulo ng Brazil na dapat kumilos ang buong mundo upang pigilan ang kanyang inilarawan bilang “genocide” ng Israel sa Gaza, habang nagtipon ang mga lider mula sa 11 bansang kasapi ng BRICS sa Rio de Janeiro nitong Linggo.

Sinabi ni Luiz Inacio Lula da Silva sa harap ng mga lider mula sa China, India, at iba pang mga bansa, na hindi sila maaaring manatiling walang pakialam sa genocide na isinasagawa ng Israel sa Gaza — kung saan walang pinipiling pagpaslang sa mga inosenteng sibilyan, at paggamit ng kagutuman bilang sandata ng digmaan. 

Ipinahayag ni Lula ang kanyang mga komento habang muling nagsimula ang usapang tigil-putukan sa Doha sa pagitan ng Israel at Hamas, sa gitna ng lumalakas na panawagan na wakasan na ang 22-buwang digmaan na nagsimula matapos ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023.

Sinabi ni Lula nitong Linggo na “walang anumang makatarungang dahilan para sa mga teroristang aksyon” ng Hamas noong araw na iyon—na nagresulta sa pagkamatay ng 1,219 katao, karamihan ay mga sibilyang Israeli.

Gayunman, mariin din niyang kinondena ang mga sumunod na hakbang ng Israel, na tinuligsa niya bilang labis at hindi makatao.

Kasama sa pagtitipon ng BRICS ang mga bansang tulad ng Iran, na itinuturing na matinding kaaway ng Israel, ngunit pati rin ang mga bansang gaya ng Russia, na may malapit na ugnayan sa Israel.