-- Advertisements --

NAGA CITY – Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) na magkakaroon ng reliable o maaasahang radio communication sa buong Bicol sakaling bumagsak ang mga networks sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Tisoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay OCD-Bicol Regional Director Claudio Yucot, sinabi nitong bahagi ng kanilang preparasyon ang paghingi ng tulong sa Signal Battalion ng 9th Infantry Division (ID) Philippine Army bilang augmentation force para mapanatili ng connection sa anim na lalawigan ng Bicol.

Ayon kay Yucot, mananatili ang team ng 9th ID sa emergency operations center upang masiguro ang malakas na signal sa rehiyon.

Una rito, aminado kasi si Yucot na isa sa puwedeng maging problema ang komunikasyon lalo na kung maapektuhan ang signal ng mga telcos (telephone companies).

Samantala, tiniyak din nito na sapat ang supply ng bigas ng National Food Authority at walang dapat ikabahala ang mga residenteng nananatili sa mga evacuation centers.