-- Advertisements --

Nagbigay ng abiso ang Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes sa publiko na maghanda para sa isang posibleng superbagyo na may 1,000-kilometrong lapad na inaasahang tatama sa Luzon sa katapusan ng linggo.

Ayon sa ahensya, ang bagyong ito ay tatahakin ang hilaga at gitnang bahagi ng Luzon, ngunit dahil sa lawak nito na higit sa isang libong kilometro, kinakailangang maghanda ang Metro Manila, katimugang Luzon, at iba pang mga rehiyon sa bansa.

Ang tropical cyclone ay bibigyan ng pangalang “Uwan” kapag pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bandang gabi ng Biyernes o madaling araw ng Sabado, ayon sa weather bureau.

Inaasahan ng state weather bureau na magiging bagyo si “Uwan” sa Biyernes at posibleng umabot sa kategoryang superbagyo sa Sabado. Ito ay inaasahang tatama sa lupa sa hilaga o gitnang Luzon.

Patuloy namang pinapalakas ng OCD ang mga paghahanda para sa darating na bagyo, kasabay ng mga patuloy na operasyon para sa mga kababayang apektado ng Bagyong Tino.

Paalala ng ahensya, May dalawang araw na lang tayo para maghanda, dahil simula Sabado at Linggo, mararanasan na ang masamang panahon dulot ng Bagyong Uwan. (REPORT BY BOMBO JAI)