-- Advertisements --

Iminungkahi na ng Office of the Civil Defense (OCD) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara na ng state of calamity sa Eastern Visayas (Region 8) dahil sa patuloy na nangyayaring pag-kalugi sa economiya sa lungsod dulot ng mga load restrictions sa San Juanico Bridge.

Ayon kay OCD spokesperson Director Chris Noel Bendijo, mapapabilis ang pag-release ng pondo kung ipapatupad ang state of calamity sa rehiyon kung saan mapapabilis ang rehabilitasyon sa tulay.

Matatandaan na isinara ang San Juanico Bridge ng bahagya sa mga motorista matapos ipatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tatlong-toneladang weight limit noong Mayo 14 dahil sa kalumaan ng tulay. Dahil dito, idineklara ang state of emergency sa buong lalawigan ng Samar.

Ayon sa mga pagsusuri ng mga engineer, nakita ang malawak na kalawang, deformed na steel members, at sirang mga koneksyon sa tulay. Sa ngayon, ang mga hakbang na isinagawa ay kinabibilangan ng pagbabawal ng mabibigat na kargamento, pagsasaayos ng one-way traffic para sa magagaan na sasakyan, at pagpapadala ng mga barge para sa mga mabibigat na kargamento.

Nabatid na ang load limit ay nagdulot na ng pagka-stranded ng higit sa 200 sasakyan at tinatayang magdudulot ng P300 million hanggang P600 million na buwanang pagkalugi sa ekonomiya.

Samantala ang DPWH ang tutukoy ng halaga ng kakailanging pondo sa rehabilitasyon at ang OCD ang magsusuri at magsusumite nito sa National Disaster Risk Reduction and Management Counsil (NDRRMC) bago isumite sa Office of the President.

Sa kabilang banda, nakipag-ugnayan na ang OCD sa Department of Trade and Industry (DTI) upang magpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin upang makontrol ang presyo sa gitna ng inaasahang disruptions sa supply chain.