-- Advertisements --

Sinigurado ng Department of Transportation (DOTr) na pag-aaralan nila muli, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mas maayos at mabilis na pagpapatupad ng ‘EDSA Rebuild’ batay na rin sa naging utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, hindi pa kanselado ang kabuuang EDSA Rehabilitation, aniya kailangan lang munang ipagpaliban ang pagpapatupad nito dahil kailangan tignan kung paano mas maaayos at mapabilis ang implementasyon lalo na ayon sa pangulo kailangan isipin din ang mga komyuter na maaapektuhan nito. Kung kayang isagawa ito sa loob lamang ng anim na buwan, gawin ito sa mas maikling panahon.

Aniya, pinakinggan din ng pangulo ang mga ekspertong nagpabatid na may mas makabago at mas mabisang mga teknolohiya na maaaring gamitin upang mapabilis ang pagpapatupad ng proyekto.

Dagdag pa niya, kakailanganing baguhin ang plano at magsumite ng panibago strategy ang mga concerned agencies sa loob ng isang buwan.

Ang naturang proyekto, na kilala bilang “EDSA Rebuild,” ay nakatakdang magsimula ngayong buwan. Layunin ng rehabilitasyon na muling itayo at ayusin ang 23.8-kilometrong haba ng EDSA sa parehong direksyon.

Samantala, kaugnay ng pagpapaliban ng EDSA Rebuild, kinansela na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng odd-even scheme kasunod ng kautusan ng Pangulo.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, ang suspensyon ng EDSA Rebuild ay magbibigay ng pagkakataon sa ahensya upang pag-aralan muli ang plano nitong pagaanin ang sitwasyon ng trapiko kaugnay ng dapat sana ay dalawang taong pagsasaayos ng EDSA.

Itutuloy naman ng MMDA ang pagpapatupad ng umiiral nang number coding scheme sa kahabaan ng EDSA.