-- Advertisements --

Aabot sa P7 billion ang halagang magagastos para sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng San Juanico Bridge sa gitna ng mga alalahanin kaugnay sa katatagan ng istruktura ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa isang resolution, inihayag ng ahensiya na anumang pagkaantala sa paglalabas ng pondo ay magpapalala pa sa krisis o sa structural integrity ng tulay.

Ayon sa ahensiya, maaaring magresulta ang mga restriksiyon sa tulay ng hanggang P600 million kada buwang lugi sa ekonomiya dahil nasa 14,000 mga sasakyan ang dumadaan dito kada araw.

Kabilang aniya sa mga apektadong sektor ay sa food at fuel supply, paghahatid ng healthcare services, commercial distribution at regional trade.

Matatandaan, ipinatupad ang limitasyon sa pagdaan ng mga sasakyang may bigat na tatlong tonelada lamang sa San Juanico Bridge simula noong Mayo 15 matapos lumabas sa assessment na may ilang problema sa struktura ng tulay.

Bunsod ng restriksiyon na ito, nahinto ang pagdaan ng mabibigat na cargo vehicles, na matinding nakaantala sa pagbiyahe sa mga pagkain, medisina, mga produktong pang-agrikultura, construction materials at iba pang mahahalagang commodities sa Eastern Visayas.