Nagtungo ngayong araw ang mga grupo ng kabataan sa COMELEC Office upang mag-sumite ng liham na nananawagan sa komisyon na tuluyan ng idiskwalipika ang Duterte Youth party-list.
Kabilang sa mga grupong nagsumite ng liham sa Commission on Elections (COMELEC) para sa agarang aksyon sa mga petisyon ng diskwalipikasyon laban sa Duterte Youth ay ang Gabriela Youth, Anakbayan, at Kabataan Tayo ang Pag-asa.
Naniniwala sila na kung madidisqualify ang Duterte youth partylist mabibigyan ng upuan sa kamara ang umano’y totoong kumakatawan sa marginalized sektor.
Ayon kay Gabriela Youth Spokesperson Franchesca Reyes, isa rin sa mga nagpasa ng liham, dapat hindi pinagbigyan ng COMELEC na tumakbo ang Duterte Youth dahil hindi umano sila rehistrado. Naniniwala siyang ang mga “bogus” na representasyon ay bumabaluktot sa tunay na layunin ng party-list system.
Samantala, kaugnay ng pagpasa ng liham ng mga grupo ng kabataan, nilinaw ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na hindi dahil nagpasa ng sulat sa poll body ay maaapektuhan na ang mga gumugulong na kaso. Aniya, ito ay kanilang tatanggapin ngunit hindi ito makakaimpluwensya sa magiging desisyon ng komisyon.
Layunin ng COMELEC na maresolba ang lahat ng nakabinbing kaso laban sa mga pambansang kandidato at mga party-list bago sumapit ang Hunyo 30 — ang araw ng panunumpa sa tungkulin ng mga halal na opisyal at mga kinatawan ng party-list.