Patuloy ngayon ang ginawang damage assessment ng Office of Civil Defense-7 kaugnay sa epekto ng bagyong Opong sa Central Visayas.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Engr. Ver Neil Balaba, Assistant Regional Director at Disaster Risk Reduction and Management Chief ng Office of Civil Defense-7, sinabi nitong as of 12 noon kahapon, Setyembre 26, ay wala namang naitalang malalaking pinsala sa imprastruktura sa rehiyon dulot ng Bagyong Opong.
Bagamat walang major damages sa mga kalsada, tulay, at seaports, sinabi ni Balaba na patuloy pa rin ang monitoring ng ahensya sa mga lugar na naapektuhan, habang nagtitipon ng mga ulat mula sa lokal na Disaster Risk Reduction and Management councils at mga ahensiyang may kinalaman sa pagtugon.
Dagdag pa nito, hindi pa matukoy ang kabuuang epekto ng bagyo sa rehiyon ngunit inaasahan ang isang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) sa mga susunod na araw.
Magbibigay pa aniya ito ng mas kumpletong larawan ng pinsala sa rehiyon.
Wala din umanong naiulat na nawawala o nasugatan, at patuloy nilang binabantayan ang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat sa kabila ng pag-alis ni Opong mula sa rehiyon.
Samantala, patuloy ang koordinasyon ng mga Local Government Units (LGUs) at mga ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga apektadong pamilya, partikular sa mga island municipalities at hilagang bahagi ng Cebu.