DAVAO CITY – Bigo ang mga otoridad na maabutan ang anim na administrators ng United Church of Christ in the Philippines’ (UCCP) Haran Center na nahaharap sa patong-patong na kaso matapos ang inilabas na arrest warrant ng korte laban sa mga ito.

Nakilala ang mga ito na sina Bishop Hamuel Tequis, Rev. Daniel Palicte, Ephraim Malazarte, Jong Monson, Lindy Trenilla, at Grace Avila.

Setyembre noong nakaraang taon nang apat na miyembro ng Indigenous Peoples (IPs) mula Davao del Norte ang nagsampa ng kaso sa City Prosecutor’s Office laban sa mga lider ng New People‚Äôs Army kabilang na ang mga administrator at board of directors ng UCCP Haran Center na nasa Father Selga, Barangay 8-A nitong lungsod.

Una nang sinabi ni Atty. Marlon Bosantog, Legal Affairs director sa National Commission on IPs, na hindi bababa sa 48 personalidad na may kaugnayan sa UCCP Haran Center ang kinasuhan ng forced labor, trafficking in person, violation of humanitarian law, at dalawang bilang sa child abuse.

Sinasabing ang nagsampa ng kaso ay mula sa tribung Ata-Manobo kung saan ilan sa kanilang mga kamag-anak ay ginamit daw ng mga akusado sa kanilang pansariling interes.

Itinuro rin ang mga ito na umano’y nagsilbing training at recruitment ground ng rebeldeng grupo.