-- Advertisements --

Natuklasan ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) ang mas mataas na antas ng iodine-129 sa katubigan ng West Philippine Sea kumpara sa iba pang bahagi ng bansa.

Ang iodine-129 ay isang radioactive isotope na palatandaan ng nuclear activity at madaling matunton ang galaw nito sa hangin at karagatan.

Batay ang naturang pag-aaral sa ginawang pagsusuri sa 119 seawater samples mula sa West Philippine Sea, Philippine Rise, Sulu Sea at iba pang karagatan sa bansa.

Ayon sa mga mananaliksik, ang antas ng iodine-129 sa West Philippine Sea ay 1.5 hanggang 1.7 times na mas mataas kaysa sa ibang lugar. Ito ay kahit na wala namang aktibong nuclear power plant o nuclear weapons program ang Pilipinas.

Subalit, posibleng nagmula ito sa Yellow Sea at nakarating sa Pilipinas sa pamamagitan ng daloy ng karagatan mula sa China.

Ayon sa UP MSI, tugma ang kanilang resulta sa mga naunang pag-aaral sa China na nag-uugnay sa iodine-129 sa Yellow Sea sa mga dekada nang nuclear weapons tests at mga nuclear fuel reprocessing facility sa Europa. Ang mga ito umano ay naglabas ng iodine-129 na napunta sa lupa at mga ilog sa hilagang-silangang bahagi ng China.

Nilinaw naman ng Marine Science Institute na bagama’t radioactive ang iodine-129, ang kasalukuyang antas nito ay hindi banta sa kalusugan ng tao o sa kapaligiran.

Gayunman, binigyang-diin ng mga siyentista ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at regulasyon sa mga radioactive material na tumatawid sa mga border ng ating bansa.