-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Navy na mas pinaigting pa ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ang coercive actions o mapanupil na mga hakbang nito sa West Philippine Sea noong 2025.

Base sa assessment na ibinahagi ni Philippine Navy spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tuluy-tuloy at mas malapit sa mga pinagtatalunang lugar ang mga operasyon ng PLAN, at may mas mataas na kahandaan para sa posibleng pagtindi ng tensiyon.

Ayon pa sa Navy official, noong 2024 ay limitado at paminsan-minsan lamang ang galaw ng PLAN at kadalasang sumusuporta lang ang papel nito habang ang China Coast Guard (CCG) ang nagbibigay ng direktang pressure o panggigipit sa mga barko ng Pilipinas.

Ngunit noong 2025, naging mas consistent at predictable ang presensya ng PLAN, kasama ang mas maraming joint sails at shadowing operations katuwang ang CCG, na palatandaan ng mas mahigpit na koordinasyon ng puwersa ng China.

Subalit, pinalagan ng Chinese Embassy sa Maynila ang ulat at iginiit na ang Pilipinas umano ang nagpo-provoke sa dagat.

Ayon sa embahada, ang patakarang militar ng China ay para sa depensa at layunin umano nito na ipagtanggol ang kanilang soberanya at seguridad.

Sa kasalukuyan, patuloy ang tensyon sa disputed waters dahil hindi kinikilala ng China ang 2016 ruling ng international court na nagpawalang bisa sa pag-angkin nito sa halos buong disputed waters kabilang ang mga bahaging saklaw ng West Philippine Sea, na pasok sa 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.