Iniulat ng South Korean Defense Intelligence Agency (DIA) na patuloy umanong nagpapadala ang North Korea ng mga artillery shells sa Russia mula nang magsimula ang digmaan sa Ukraine.
Batay sa DIA, mahigit 28,000 containers na may lamang artillery shells at iba pang bala ang ipinadala ng Pyongyang sa Russia —katumbas ng tinatayang 12 million na 152mm artillery rounds.
“North Korea is continuing to supply weapons to Russia,” ani Kang Daeshik na isang mambabatas. “Our military is continuously reassessing the extent of North Korea’s arms support to Russia in coordination with relevant agencies and allied nations,” dagdag pa nito.
Ayon naman sa ulat ng Bloomberg hindi lang umano mga bala ang naipadala ng North Korea. Lumalawak na rin umano ang military support ng Pyongyang, kabilang na pagpapadala nito ng missiles, self-propelled guns, at mga military combat.
Una naritong ibinunyag ni Kyrylo Budanov, pinuno ng Ukrainian military intelligence, na maaaring 40% ng ammunition needs ng Russia ay kasalukuyang sinusuplay ng North Korea. Aniya, nagbibigay rin ang Pyongyang ng mga de-kalidad na armas gaya ng ballistic missiles at artillery systems.
Bukod sa armas, nagsimula na rin umano ang North Korea na magpadala ng mga tropa at military experts.
Magugunitang mula noong Oktubre 2024, tinatayang 13,000 sundalo na ang ipinadala ng Pyongyang upang tumulong sa Russia. Inaasahan ding magpapadala pa ito ng 5,000 construction workers at 1,000 military engineers (sappers) ngayong Hulyo o sa darating na Agosto sa Kursk ayon sa South Korea’s spy agency.
Patuloy namang lumalalim ang ugnayan ng Russia at North Korea sa gitna ng panganib sa rehiyon kung saan kamakailan lang ay bumisita si Russian Minister Sergei Lavrov sa Pyongyang, at kinumpirma ang suporta ni Kim Jong Un sa Kremlin.
Kapalit ng suporta, nagbibigay umano ang Russia ng pinansyal na tulong at teknolohiya sa North Korea, na tumutulong sa rehimen ni Kim upang mabawasan ang epekto ng ”international isolation.”