Nagbabala si South Korean President Lee Jae Myung na posible ang “accidental clash” anumang oras sa pagitan nila ng North Korea.
Ito ay matapos ilarawan ng SoKor President ang sitwasyon sa pagitan nila ng NoKor bilang lubhang mapanganib o delikado kayat iginiit nito na mahalagang magkaroonng sila ng diyalogo.
Base sa report, sinabi ng South Korean President na tumatanggi umano ang NoKor na sagutin ang mga tawag ng SoKor para magkaroon ng kontak at maglagay ng barbed wire fences sa may military border, bagay na hindi naisakatuparan mula pa noong magwakas ang Korean War.
Inihayag din ni Lee na napakasalungat at confrontational ang ugnayan ng dalawa at dahil sa kawalan ng tiwala, nagpapakita aniya ang NoKor ng “very extreme behaviour.”
Ginawa ni Lee ang pahayag habang nasa flight mula sa South Africa kung saan dumalo siya sa G20 summit patungong Turkey, para sa huling bahagi ng kaniyang biyahe.
Nauna ng inirekomenda ng South Korea na magkaroon ng military talks sa North Korea noong Nobiyemrbe 17 para talakayin ang pagbalangkas ng malinaw na hangganan sa Military Demarcation Lines (MDL) para maiwasan ang armadong labanan sa may border na maaaring magbunsod ng mas malawak na sagupaan.
Subalit hanggang sa ngayon ay wala pa ring tugon ang panig ng North Korea sa naturang proposal ng South Korea.














