-- Advertisements --

Inanunsyo ng North Korea na natapos na ang isang bagong housing district sa Pyongyang para sa mga pamilya ng mga sundalong North Korean na nasawi habang lumalaban kasama ng Russia sa digmaan sa Ukraine.

Pinangunahan ni leader Kim Jong Un ang pagbubukas ng tinaguriang “Saeppyol Street,” kung saan binisita niya ang ilang pamilya kasama ang kanyang anak na si Kim Ju Ae. Ipinangako niya na pararangalan ang mga “martir” na nag-alay ng buhay para sa bansa.

Ayon sa intelligence ng South Korea, tinatayang nasa 6,000 North Korean troops ang nasawi o nasugatan sa naturang digmaan, bagaman walang eksaktong bilang ng mga namatay.

Itinuturing ng mga analyst na bahagi ito ng propaganda campaign ng Pyongyang upang palakasin ang internal unity habang patuloy ang suporta nito sa kampanya ni Vladimir Putin sa Ukraine. (report by Bombo Jai)