Nanawagan si North Korean leader Kim Jong Un na pabilisin ang pagpapalawak ng nuclear arsenal ng bansa kasabay ng Ulchi Freedom Shield exercises ng US at South Korea, na tinawag niyang ‘hayagang provocation para sa digmaan’.
Iginiit ng Seoul at Washington na depensibong ehersisyo lamang ito, ngunit paulit-ulit itong kinokondena ng Pyongyang bilang “rehearsal” para sa pagsalakay.
Ayon kay Kim, ang kasalukuyang sitwasyong panseguridad ay nag-uutos na “mabilis na palawakin” ang nuclear armament ng Hilagang Korea, lalo’t kabilang sa mga drill ng US at South Korea ang “nuclear element.”
Samantala, inaasahang tatalakayin ng US at South Korea ang mga hakbang laban sa nuclear development ng North Korea sa gaganaping pagpupulong nina Pres Donald Trump at Pres Lee Jae Myung sa Washington.
Ayon sa Korea Institute for National Unification, ipinapakita ng paninindigan ng Pyongyang na wala itong balak na talikuran ang nuclear weapons at nais nitong gawing irreversible ang kanilang armas.
Batay sa Federation of American Scientists, may materyales na ang North Korea para sa hanggang 90 warheads ngunit posibleng nasa 50 lamang ang na-assemble. (REPORT BY BOMBO JAI)