Sinuspinde ng Office of the Ombudsman si National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco at ang nasa 139 na opisyal at empleyado ng ahensya kaugnay ng nabunyag na pagbebenta ng rice bufferstock nang palugi.
Kalahating taon na suspendito ang mga ito sa pagganap ng anumang tungkulin.
Mismong si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. pa ang nag-anunsyo ng balita, matapos maglabas ng kautusan ang anti-graft body.
Maliban kay Bioco, kalahating taon din na walang sweldo sina Assistant Administration for Operations John Robert Hermano at iba’t ibang regional supervisors ng NFA at mga warehouse manager na isinasangkot sa kontrobersiya.
Ayon kay Sec. Laurel, siya muna ang pansamantalang mangangasiwa sa functions ng NFA habang umiiral ang naturang suspension order.
Sa loob ng anim na buwan, inaasahang makukumpleto rin ang sariling pagsisiyasat ng ahensya.
Nabatid na nag-ugat ang usapin sa umano’y pagbebenta ng NFA ng libong tonelada ng NFA rice sa ilang negosyante na sobrang baba ng presyo at ikinalugi ang gobyerno.
Nasa P23 ang kada kilo ng pagkakabili ng pamahalaan sa palay at gumastos din sa warehousing at trucking, subalit naibenta lamang ang mga iyon sa halagang P25 ang kada kilo.