-- Advertisements --

Naglabas ang Malacañang ng Executive Order (EO) No. 105 na nagpapalawig sa 15% taripa sa inaangkat na bigas hanggang Disyembre 31, 2025, at lumilikha ng Inter-Agency Group on Rice Tariff Adjustment upang subaybayan at ayusin ang taripa sa bigas batay sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.

Sa EO na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magpapatupad ng bagong mekanismo sa pag-aayos ng taripa simula Enero 1, 2026, depende sa pagbabago ng presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan. Ang mga taripa ay maaaring mula 15% hanggang 35%.

Batay sa kautusan ang MFN (Most Favored Nation) rates of duty sa bigas, kapwa in-quota at out-quota, sa ilalim ng EO No. 62 ay mananatili hanggang Disyembre 31, 2025.

Mula Enero 1, 2026, itatakda ng pamahalaan na tataas ng limang porsyento (5%) ang taripa sa bawat limang porsyentong (5%) pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado, at bababa ng limang porsyento (5%) naman sa bawat limang porsyentong pagtaas ng presyo.

Gayunman, tiniyak ng EO 105 na hindi bababa sa 15% o hihigit sa 35% ang magiging taripa sa bigas.

Ang Inter-Agency Group on Rice Tariff Adjustment (IAG-RTA) ay binubuo ng mga kinatawan mula sa Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Finance (DOF), at Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA).

Inatasan ang grupo na bumuo ng mga patakaran at gabay para sa pagpapatupad ng EO, kabilang ang pagtukoy ng price thresholds, pagpapatunay ng DA kung umabot na sa itinakdang antas ang presyo, at regular na monitoring ng sitwasyon sa merkado.

Nauna nang itinakda ng EO No. 62 ang MFN tariff rate sa bigas sa 15% para sa parehong in-quota at out-quota imports, na rerepasuhin kada apat na buwan.

Napagkasunduan ng Economy and Development Council na panatilihin ang 15% taripa hanggang Disyembre 31, 2025, at magsimula ng mekanismong mag-aadjust sa taripa batay sa kondisyon ng pandaigdigang merkado pagsapit ng Enero 1, 2026.