-- Advertisements --

Ipinahayag ng World Health Organization (WHO) na matagumpay nang naalis ng Nepal ang rubella bilang public health concern.

Ang rubella ay isang nakahahawang sakit na mapanganib lalo na sa mga buntis, ngunit ito ay naiiwasan sa pamamagitan ng ligtas at abot-kayang bakuna.

Ayon sa WHO, ang tagumpay ng Nepal ay bunga ng matatag na pamumuno, dedikasyon ng mga health worker at boluntaryo, at suporta ng mga komunidad.

Mula 2012 hanggang 2024, nagsagawa ang Nepal ng apat na national vaccination program laban sa rubella, na umabot sa mahigit 95% coverage.

Nepal ang ika-anim na bansa sa WHO South-East Asia Region na nakamit ang rubella elimination, kasunod ng Bhutan, Korea, Maldives, Sri Lanka, at Timor-Leste.

Gumamit ang Nepal ng makabago at epektibong estratehiya tulad ng ‘immunization month’ at bagong laboratory testing algorithm para sa mas matibay na surveillance.

Patuloy ang suporta ng WHO at Gavi sa Nepal, at nananawagan ang pamahalaan sa lahat ng sektor na ipagpatuloy ang pagsisikap upang maprotektahan ang bawat bata.