-- Advertisements --

CEBU CITY – Inaasikaso na ng Negros Oriental Provincial Police ang pagkuha ng karagdagang ebidensiya para matukoy ang responsable sa pagpatay sa radio broadcaster/reporter Rex Cornelio Pepino.

Ayon kay Negros Oriental Provincial Police director Col. Julian Entoma kabilang sa tinitingnang ebidensiya ng otoridad ang isang sasakyan na nakarehistro sa tanggapan ng Provincial Assessor’s Office.

Naka-park na ito sa isang provincial government property at sinimulan na ang paghalughog nito para sa karagdagang ebidensiya.

Ipapatawag din ang nasa apat na indibidwal na nagmaneho ng naturang sasakyan at ang iba pang gumagamit nito noong araw na pinaslang ang broadcaster.

Si Pepino ay isang program anchor sa isang privately-owned na radio station sa Dumaguete City kung saan kabilang sa mga issue na tinalakay sa kanyang programa ang umano’y hinggil sa graft and corruption sa mga pamunuan sa gobyerno, illegal mining at marami pang iba.

Una rito, May 5 nitong taon ay binaril si Pepino sakay ng kanyang motorsiklo kasama ang kanyang asawa sa National Highway ng Barangay Daro, Dumaguete City habang pauwi na ang mga ito.

Tama sa ulo, balikat at ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Pepino na siyang tinuturong dahilan ng pagpanaw nito.