GENERAL SANTOS CITY – Desididong magsampa ng reklamo laban kay Kabus Padatoon (KAPA) founder Joel Apolinario ang isang negosyante na nakapag-invest ng mahigit kalahating milyong pisong donasyon sa nasabing investment scam.

Dumulog sa National Bureau of Investigation(NBI) Sarangani District Office ang nasabing biktima na tumangging magpabanggit ng kanyang pangalan.

Gusto nitong magpatulong sa NBI sa pormal na pagsasampa nito ng reklamo laban kay Apolinario at iba pang sangkot sa KAPA investment scam.

Nalaman ng Bombo Radyo GenSan kay Agent Regner Pineza na naglakas-loob ang biktima na humingi ng tulong at inaming nakapag-invest ito ng P555,000.

Ang nasabing halaga ng salapi ay mula sa ibinentang sasakyan at loan.

Mangiyak-ngiyak naman nitong inamin na baon raw siya sa utang.

Nabatid na panglimang miyembro ng KAPA ang naturang negosyante na dumulog sa NBI.