Muling tumangging magpasok ng plea ang sinibak na mambabatas na si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa isa sa mga kasong kaniyang kinakaharap sa korte sa Quezon City.
Kinumpirma ito ng abogado ng dating mambabatas.
Nagbunsod naman ito sa QC Regional Trial Court Branch 77 na magpasok ng not guilty plea para kay Teves sa kaniyang kaso may kaugnayan sa umano’y paglabag niya sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Dito, muling in-invoke ni Teves ang kaniyang karapatang manahimik.
Itinakda naman ang pre-trial sa naturang kaso sa buwan ng Agosto.
Matatandaan, nauna na ring hindi nagpasok ng plea si Teves sa kaniyang consolidated case sa illegal possession of firearms and expolosives at sa patung-patong na kaso ng umano’y pagpatay kaugnay sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 9 na iba pa kung saan siya ang itinuturong utak sa krimen.
Nauna na ring iniuri bilang terorista si Teves dahil sa umano’y mga serye ng pagpatay at harassment sa Negros Oriental.