CAUAYAN CITY-May malawak na operasyon ang isang negosyanteng nahuli sa isinagawang drug buybust operation ng mga otoridad sa Barangay San Antonio,Ramon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Lt. Noli Cipriano, hepe ng Ramon Police Station na magkatuwang na nagsagawa ng drug buybust operation ang mga kasapi ng PNP Ramon, PDEA region 2, Regional Drug Enforcement Unit – PRO 2 at Provincial Drug Enforcement Unit- IPPO laban sa pinaghihinalaan na isang PNP high value individual sa ilalim ng Oplan Bato.
Mayroong anyang area of operation ang pinaghihinalaan sa bayan ng Ramon, Lunsod ng Santiago at maging lalawigan ng Ifugao.
Ang pinaghihinalaan ay unang nadakip noong March 16, 2019 at sumailalim sa plea bargaining kaya nakalaya ngunit bumalik sa dating operasyon batay sa ibinubunyag ng mga nahuhuling sangkot sa illegal na droga.
Ito anya ang dahilan kung bakit nagsagawa ng pagmamanman sa pinaghihinalaan at natuklasang ang asawa ng suspect residente ng lalawigan ng Ifugao kung saan bumibili ng illegal na droga at kung wala mabili ay kumukuha rin ng supply ng droga sa Santiago.
Nasamsam sa pinaghihinalaan ang dalawang heat sealed sachet na may timbang na 0.08 grams at 0.06 grams na nagkakahalaga ng Php5,000.00 .
Inihahanda na rin ang isasampang kaso laban sa suspect
Inihayag pa ni PLt. Cipriano na hindi sila titigil para masugpo ang illegal na droga sa bayan ng Ramon.