NAGA CITY – Patay ang isang negosyante matapos umanong manlaban sa drug buy-bust operation ng otoridad sa lungsod ng Lucena.

Kinilala ang suspek na si Francis Jerome Contreras Bartolome, 25-anyos, residente ng San Isidro St. Hermana Fausta Villafe, Purok Ilang Ilang, Barangay Isabang.

-- Advertisement --

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakabili sa negosyante ang pulis na nagpanggap na posuer buyer ng isang heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Matapos nito ay agad umanong inaresto ang suspek at nang pupusasan na ay bigla umano itong pumalag at kinuha ang kanyang .38-caliber na baril sa drawer ng kanyang mesa at ipinutok sa mga otoridad.

Agad naman umanong nakaganti ang isa sa mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.