Tuluyang naging ganap na bagyo ang dating Low Pressure Areas (LPA) na nabuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa state weather bureau.
Gayunpaman, tuluyan na rin itong lumabas sa PAR habang gumagalaw sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Hindi na rin ito binigyan ng local name dahil nabuo ito bilang isang bagyo sa labas ng bansa.
Huli itong namataan sa layong 555 kms sa kanluran ng Bacnotan, La Union at kumikilos ng hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph. Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kph habang mayroon itong pagbugso na 55 kph.
Inaasahang tutunguhin ng bagyo ang katimugang bahagi ng China sa mga susunod na araw.
Wala naman itong magiging direktang epekto sa kalupaan ng Pilipinas maliban lamang sa posibilidad na paghila sa soutwest monsoon kung magtatagal sa karagatan. Kung sakaling mangyari ito, posibleng magiging maalinsangan muli ang mararanasan sa ilang bahagi ng bansa.
Sa kasalukuyan, wala ng iba pang LPA o tropical cyclone na binabantayan pa sa loob at labas ng bansa.
Sa kabila nito ay asahan pa rin ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng localized thunderstorm lalo na pagsapit ng hapon o gabi.
Ngayong araw, muling naglabas ang weather bureau ng General Flood Advisory para sa 11 rehiyon dahil sa inaasahang epekto ng mga biglaang pag-ulan. Kinabibilangan ito ng CAR (Cordillera Administrative Region), Region 1 (Ilocos Region), Region 3 (Central Luzon), Region 4A (CALABARZON), Region 4B (MIMAROPA), Region 5 (Bicol Region), Region 6 (Western Visayas), Region 8 (Eastern Visayas), Region 9 (Zamboanga Peninsula), Region 11 (Davao Region), at BARMM.