CENTRAL Mindanao – Binawian ng buhay ang isang negosyante sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Nicanor Hadji Omar, residente ng Brgy Central, Malamote Matalam, North Cotabato.

Ayon kay Matalam Chief of Police, Major Joseph Placer na habang abala ang biktima sa paglilinis ng kanyang sasakyan sa Canlas Carwash Station sa Purok Kamia, Brgy Poblacion, Matalam, Cotabato ay bigla itong nilapitan ng dalawang hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan sa isang motorsiklo.

Naisugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Napag-alaman na dating drug surrenderee si Omar.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril-patay sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.