BAGUIO CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng suspek sa pamamaril sa isang negosyante sa KM 4, Marcos Highway, Baguio City kaninang umaga.

Nakilala ang biktima na si Samuel Lopez Mora, 58, may asawa, isang negosyante, tubo ng Zambales at residente ng Bakakeng Central, Baguio City habang hindi pa nakikilala ang mga suspek.

Ayon sa Baguio City Police Office, nangyari ang pamamaril habang nakasakay si Mora sa kanyang sasakyan na Hilux at pauwi na sana ito sa kanilang tahanan sa Bakakeng Central, Baguio City.

Ayon sa BCPO, pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang biktima ng maraming beses na nagresulta sa agad na pagkamatay nito.

Natuklasan ng mga awtoridad na nakasakay ng motorsiko ang mga suspek at narekober sa crime scene ang 16 na basyo ng bala ng baril.