-- Advertisements --

Kasalukuyang nagsasagawa ng necrological services sa Senado mismo para sa dating senador at aktor na si Ramon Revilla Sr.

Pasado alas-9:00 kaninang umaga nang ibiyahe sa Pasay City ang labi ng “Agimat” star mula sa Revilla Mansion sa Bacoor, Cavite.

Kapansin-pansin naman ang social distancing sa loob ng Senado kung saan hiwa-hiwalay ang mga upuan at nakasuot ng face mask ang mga senador.

Ilang kasamahan din nito ang nagbigay ng eulogy sa pamamagitan lamang ng videoconference.

Bukas, July 2, ang napiling araw ng malaking angkan ng mga Revilla para ihatid sa huling hantungan ang 93-yrs old na si Revilla Sr., na mahigit tatlong linggong naospital bago tuluyang pumanaw nitong June 26 dahil sa heart failure.

Pero bago ang libing, magkakaroon pa ng misa sa Imus Cathedral mamayang hapon at pagsapit ng gabi naman ang luksang parangal.

Muli namang magkakaroon ng misa sa Imus Cathedral ganap na alas-6:00 bukas ng umaga, at pagkatapos ay dadalhin na ang labi sa Angelus Memorial Park.

Kinahapunan ang paggawad ng military Honors, blessing at ang seremonya ng libing.

Si Revilla Sr., ay naging senador mula 1992 hanggang 2004 at minsan ding naging award winning actor para sa mga hit movies na “Nardong Putik,” “Pepeng Agimat,” at iba pa.