-- Advertisements --

Pinulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang 18 Office of Civil Defense (OCD) Regional Office at ang Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng monitoring sa pag-usad ng May 12 elections.

Pinangunahan ito ng OCD central office sa Emergency Operations Center nito, kung saan ang mga kinatawan ng rregional office ng OCD ay dumalo online.

Dito ay iprinisenta ng PNP ang kasalukuyang sitwasyon sa mga lugar na dating natukoy bilang Election Areas of Concern. Bahagi ng naturang presentasyon ay ang risk factor na nagsisilbing basehan para sa pagtukoy ng panganib at banta sa seguridad sa mga nabanggit na lugar.

Ayon sa NDRRMC, magpapatuloy ang ginagawa nitong monitoring at koordinasyon kasama ang bawat regional office nito at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Batay sa NDRRMC Memorandum No. 108 s2025 na inilabas noong Mayo-9, tatlong rehiyon sa bansa ang isinailalim sa red alert dahil sa banta sa seguridad. Ang mga ito ay kinabibilangan ng Cordillera Administrative Region, Western Visayas, at Central Visayas o Region VII.

Ang iba pang rehiyon ay pawang nasa ilalim na ng blue alert status.