Itinanggi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga alegasyon na inuuna nilang tinu-tulungan ang mga “vote rich” areas na nasalanta ng Bagyong Odette.
Ayon kay NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator USEC Ricardo Jalad, hindi konsiderasyon ang bilang ng mga botante sa isang lugar para makatanggap ng tulong.
Paliwanag ni Jalad ang konsiderasyon aniya nila sa pagtulong ay bilang ng mga apektadong populasyon.
Ayon pa kay Jalad, ang lahat ng kanilang relief efforts ay isinasagawa ng may malapitang koordinasyon sa mga disaster councils sa lahat ng lokal na pamahalaan.
Kasama sa kanyang tinukoy ang mga lugar na labis na sinalanta ng Bagyo ang Palawan, Bohol, Cebu, Negros Oriental, Leyte, Southern Leyte, Dinagat Islands at Surigao Del Norte.
Sinabi ni Jalad, lahat ng “available assets” ay ginagamit ng pamahalaan para masiguro ang tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong sa lahat ng apektadong LGU.